Pages

Sunday, January 23, 2011

sa-is-kul


Masaya ang pumasok sa eskwelahan. Ewan ko nga ba sa ilan kung bakit ayaw na ayaw nila ang eskwelahan. Siguro daahil ayaw nila ang mga lessons sa eskwelahan na talaga namang nakaka-nosebleed gaya ng calculus, trigonometry at iba pa. Pero kung iyan ang dahilan mo, ang babaw mo. Ikaklaro ko lang sa inyo na hindi naman pang matalino ang pag-aaral. At hindi lahat ng activities ay napapako lang sa dicussion, quiz at project. At kung ano ang masaya? Una, maraming magaganda. Pangalawa, maraming kalokohan. Pangatlo, may diploma ka.

Isa lang akong simpleng estudyante sa isang unibersidad dito sa aming lugar. Gaya ng iba, meron na akong mga bagsak na grado. Kung hindi bagsak, gradong korteng axe ang sa akin. Kung iisipin, kapit na kapit na lang ako sa tenga ng mga pasado. Pero gayon paman, hindi pa rin ako natitinag. Andito ako at nanatiling GIRAFFE ang leeg para makakopya sa seatmate during quiz kapag hindi alam ang answer.

Hindi ako kagaya ng iba. Hindi ako Dean's Lister. Sino sila? Sila ang mga taong inaakala na nag-aaral pala ang isang estudyante ay para maging DL. Ganito ang kanilang mga pilosopiya sa aking palagay. “Hindi ko naman alam ang ganitong mga bagay. Ang alam ko lang na kapag nag-aaral ka, at the end of the sem, DL ka na”.

Mostly sa kanila, kapag tinanong mo ang ilan ang score nila, sasabihin nilang “SECRET!” o kaya naman, “Maliit lang, 92!” And after sa exam, nagmemeeting sila! at ang agenda? “Nasagutan mo iyong Number 3? Ang hirap! Diba kailangan mong kuhanin ang tangent of 4 in respect sa kanyang opposite side? Aba hindi ko alam talaga. Feeling ko mali ako.”

Meron namang mga taong INNATE. Innate o inborn na ang kanilang mukha. Sila ang mga taong may mga pang-artistahin ang mukha. Sila ang mga sumasali sa mga dance presentation o kaya naman mga singing contest. Madalas, sila ang mga tinitiliian ng mga babae at pinapagpantasyahan ng mga lalaki. Pinanganak sila sa ganoong lifestyle.

Kung nasa college ka na, sila iyong tipong may mga kulay ang mukha. Sila iyong tipong may gel sa ulo, dahil kung wala, feeling nila hindi sila cool. Lahat ng angle sa camera, bagay. Bagay sa kanila ang mga iba't-ibang damit, kahit ipasuot mo pa sa kanila ay Ukay-ukay. At ang advantage sa kanila, aakalain mong matalino sila at mabait. Maganda at gwaping kasi sila.

Isa pang maganda sa pag-aaral ay ang  mga panahon ng mga activities, gaya ng mga foundation Day, Intrams, at iba pa. Bakit? Ibig sabihin, walang klase sa mga panahong ito. At siyempre, kapag battle of the brains, ang mga kinukuha ang mga matatalino, pati na rin sa mga speech contests, math quiz bee, science quiz bee, spelling bee, at iba pang mga bee. Kulang na nga lang eh, Jolibee.

Kung sa mga Intrams, siyempre iyong mga sporty ang dating. Mga gwapings na sumasali sa mga ganito para makapang-akit ng mga chicks sa skul. Kahit alam nilang paghanga lang sa kanila ang makukuha sa kanila, wala na silang paki-alam. Basta, marami lang silang POGI Points.

Kung mga modeling, Mr&Ms. Intrams, Mr.&Ms. Foundation day, Mr.&Ms. Ambassador of Goodwill, at iba pang mga mr&ms. Gamo-gamo sa gilid, for sure iyong mga alagang belo ang ang mga kutis ang mukha at balat; at gym por gym ang pangagatawan, ang pipiliin.

Alam ko na meron at meron paring mga estudyante ang mga walang magagawa sa ganitong mga panahon. At kahit wala silang gagawin, kailangan pa rin ang attendance, para ma-cheer ang ganitong klaseng tao sa campus. At naghihintay ng 11:30 at 5:OO pm para dali-daling maka-uwi. At kasama ako sa mga taong iyon.

Simple lang ako. Nagsisipsip ng coke sa cellophane during snacks. Kumakain ng snowbear kapag pumupunta sa classroom. Nagkakasakit minsan sa mata, dahil sa sobrang pagtingin sa papel sa katabi. Nag-vavandal ng mga nonsense na bagay sa desk. Nakikipalakpak sa ibang tao during sa isang number. At nag-che-cheer para sa classmates, orgmate, batchmate, para malaman nilang sumusuporta ka sa kanila well infact wala ka naman talagang choice kasi required ang attendance.

Oo, aminado ako. Minsan naiingit ako sa ibang tao na nabanggit ko sa itaas. Hindi, ako magpapaka-plastic. Naiingit ako, dahil hindi ako gaya nila. Isa lang akong normal na estudyante na naki-kikipalakpak sa ibang tao. Bumibili ng tig-7 pesos na ballpen instead of Pilot, o iba pang brand,at kung meron man, ginagamit ko lang ito sa mga importanteng bagay. Kapag may contest sa school kung saan kasali ang mga excellent students na mga kaklase, umuupo, tapos papalakpak, tapos uupo at aalis kapag tapos na. Pilit na Nagbabasa ng mga required books ng mga professors, pero at the end of the chapter, wala namang naintindihan. Kapag may comprehensive problem sa calculus, binabasa ang problem. Tapos titigan lang, at naghihintay na masolve mag-isa ang problem. Wala din akong pandesal sa tiyan, but instead flat. Wala akong well-built chest and biceps, ang meron lang ay guitar chest at drumstick arms. Pero hindi ako naiingit sa kanila kasi gusto ko na maging kagaya nila. Ito ay dahil, sila ang mga taong may mararating sa buhay. At mas may mararating kaysa sa mga gaya kong estudyante.Wala namang Best-in-Copying-while-having-difficulty-in-strategic-position-of-the-eyes-award. O kaya naman, Mr&Ms Sipsipan ng Coke sa Cellophane Gamit ang Straw na minsan ay Pula.

Sa taong gaya ko, mahirap ang sumulat ng resume sa part ng achievements and affiliation. Kahit ano pang sabihin ng iba, sila ang mga taong may greater chance of success, than me and other persons like me. Sinong tanga ang kukuha sa isang worker na may bagsak na grado over a worker who doesn't have any grade below 90? kahit anong gawin natin, hindi ito fair. Kasi, unfair!

At kung nag-aaral ka sa isang unibersidad, pilit din nating kinokommpara ang sarili natin sa iba. Sa ibang mas maganda at mas maayos na school. During interschool activities, binabantay ang mga kilos ng ibang school. Normal naman ito, at hindi na maaalis. Pero sa tingin ko, ang mga sikatna  tao lang ang mga bida sa mga activities. Oo, bibigyan lahat ng chances, pero sinong tanga ang pipili ng average kapag meron namang excellent.

Mahirap kunin ang state of excellent, pero meron paring mga tao ang may ganitong state, at ang iba sa kanila, sabayan kung mangontrata ng excellency. Para sa kanila. Perfect ang buhay, lalong-lalo na kapag matalino ka na. Sporty at may mukha pa. Perfect ang buhay. Hindi nila nararanasan na mangamba dahil sa wakas, may bagsak ka na naman.

Masaya ako. Masaya ako hindi ako DL, athelte, model at iba pa. Wala sa akin ang pressure, kahit mangulangot ako sa ilong ko infront, walang paki-alam ang iba, wala naman akong image na mini-maintain. Kapag tinatanong ako kung ilan grade ko, wala akong imik. Kasi, wala namang nagtatanong. Para sa akin, at para sa mga taong gaya ko. Magpasalamat tayo sa mga ganitong pagkakataon. At huwag mawalan ng pag-asa sa buhay lalong-lalo na kapag manliliit ka sa sarili mo. After-all, hindi tayo langaam, tao tayo. Bahala na kung wala ka pa sa excellency state. Lahat tayo ay may ganyan. Coming soon. Hindi tangent 4 ang best lesson sa buhay, kundi TRY-angle.

Minsan sa isang contest ng beauty and brains kung saan kasali ang aking classmate, may tanong na “What is your Philosophy in life, and Why? Kung ako ang tatanungin, hindi ko masasagot ito. Kailangan kasi english straight para ma-impress ang judges. Pero, naniniwala ako na, Maraming tao ang mga gaya nila, at meron ding mga taong gaya ko. Alam nila ang pasikot-sikot sa  trigonometry at unit of a circle, samantalang ako, circle na ang paningin dahil sa mga numbers. Marami silang medals, sashes, trophies, at iba pa, samantalang ako merong ribbon na graduates. Kunin na lang ang ribbon ng mama na “Parent” para dalawa na. Pero magpagayunpaman, nalaman kung sa buhay... ITS NOT BEING THE BEST, ITS ABOUT DOING OUR BEST.

Saturday, January 22, 2011

Its a Choice


Noong una, nagtataka ako kung saan galing ang mga Pineapple juice na nasa lata. Nakita ko kasi noong bata pa ako na ang lata ay binubunot lang sa taniman ng pinya. Minsan naman, naisip ko na kapag lagyan yan ng gripo ang pinya, ay lalabas na ang pineapple juice. Pero, mali pala ako.

Minsan din noong bata pa ako, palagi kong ningangatngat ang dulo ng Monggol na lapis para lumabas ang pambura. At sa totoo lang, binilhan ako ni Mama ng pambura na amoy bubble gum ngunit sa kasamaang palad ay naiwawala ko ito.

Naalala ko pa noong una, may nilalaro kami ng larong pambata. Ang pangalan ng laro ay piko. Ito ay laro kung saan guguhit ng mga hugis na parihaba na may dividion sa lupa. Ang bawat bata ay may tinatawag na pamato at ito ang inihahagis mo. tumatalon ka naman sa bawat parihaba gamit lamang ang isa mong paa. Kapag na-out balance ka, out ka.

Hindi ko makakalimutan ang pinakaunang alamat na nalaman ko. Ito ay ang alamat ng pinya. Sa hindi pa nakakaalam ng kwentong ito, hindi ko iyon problema. Ibig lang sabihin, hindi ka dumaan ng gradeschool. Ngunit ang hindi ko makakalimutan sa lahat ay kung paano dumami ang mata ni Pina, bakit nga ba siya naging pinya ng kalaunan.

Kaya ngayong lumaki na ako, nalaman kong pati pala ang pineapple juice ay dumadaan sa proseso. Hindi nagiging juice basta-basta ang pinya, dahil kung ganoon man, maglalasa itong maasim. Ginagawan ito ng paraan upang maging matamis. ganoon din siguro sa buhay, hindi lahat ng maasim, ay nanatiling maasim hanggang sa huli. Kung gustong maging matamis ang buhay, gawin mo ang dapat gawin. at kung ano iyon? Hindi ko alam. Baka ikaw siguro! Baka siguro alam mo!

Gaya ng pag-ngatngat ng pambura mula sa dulo ng Monggol. Sa totoo lang, meron ka namang choice na manghiram sa iba, ngunit pinili mo pa rin na ngatngatin ito sa rason na gusto mong magkaroon ng sayo. Hindi ito pride, hindi rin ito pagkamaparaan. Ito ay pagkatuto na paninindigan sa sarili.

Hindi rin ibig sabihin na kapag naglaro ka ng piko habang lumulundag gamit ang isang paa, ay mahirap nang abutin ang buhay. Ang mga pilay mismo ang makakapag-sasabi nito. Mahirap ang buhay sa ganitong paraan ngunit hindi ibig sabihin na dapat kang ma-balance-out. Sa totoong buhay, talunanng tunay ang umuurong sa buhay.

Kung nagtataka ka naman kung bakit naging pinya si Pina, pareho tayo. Kung sa taxonomy nga, ibang kingdom ang plantae(plants) at animalia(animals). Ibig sabihin 0 out 1 million ang tsansang magiging pinya ang tao. Kung sisisihin natin ang mahika, kulto o ano mang mga engkanto, wala akong pakialam. kasi lahat naman tayo ay nag-hahanap ng masisi sa lahat ng kapalpakan natin sa ating buhay kahit alam natin tayo mismo ang gumagawa nito. Ang alamat na ito, ay hindi para alalahanin na kapag gumawa tayo ng masama, ay magiging pinya atyo o kung ano-ano mang prutas o bagay, magpapaala ito sa atin na kapag gumawa tayo ng masama, papalpak tayo. Dahil tayo mismo ang gumawa nito.

Kaya nga siguro may sarili tayong pag-iisip, at meron tayong choice para gumawa ng masama o mabuti. kapag nga nanonod tayo ng anime, pinapanigan natin ang bida, at kinaiisan ang kontrabida sa kanyang mga masasamang gawa. Sino bang baliw ang gusto na manalo si Majimbo kay Goku. ibig sabihin, alam mo kung sino ang gumagawa ng masama at sa hindi. At meron karing kakayahan na gawin ang nararapat na gawin.

Nagkamali ka Nang Tantsa


Kung may isang bagay ka na hindi mo kayang abotin sa buhay, ano naman kaya iyon sa palagay mo? Minsan, noong bata pa tayo, simple lang naman ang ating gusto sa buhay. Gaya ng, maging pulis, guro, doctor, at iba pa.

Kung tinatanong tayo ng mga magulang natin kung bakit natin gusto maging doktor, sinasabi nating gusto nating makapagpagaling ng may sakit. Kung guro naman, gusto nating magturo sa mga bata. Kung pulis, para barilin lang ang kalaban. Ang buhay noon ay sadyang simple at payak, walang overhead, at wala pang salitang complicated.

Gaya ko, at gaya ng ibang tao, nagbabago talaga tayo. From look, features, education, pati standards. May gusto tayong abotin sa ating buhay kasi may gusto tayong patunayan, may gusto tayong ipamukha sa iba.

Natapos niyo na ba ang episode ng Detective Conan? Malamang hindi, at siguro ang iba sa inyo ay wala ding ganang manoon ng mga ganito. take note na mga episode lampas 500 na sila. Sa tingin ninyo, bakit hindi ninyo matapos ang panunuod nito? Its simply because masyadong marami, o kaya naman just boring at walang interes sa mga ganitong bagay.

Gaya din sa ating buhay, lahat ng ginagawa natin may kaakibat na reason behinds. Mabuti lang tayo sa simula, at tamad tayong tapusin kapag nawawalan na tayo ng interes sa mga ganitong bagay. Minsan tinatawag ko itong Katamaran, pero mas appropriate siguro ang Waste of Time na lang.

Ang punto ko ay kung may gusto kang makamtan sa buhay, huwag na huwag kang susuko na na abutin ang mga bagay na ganun. after all, hindi ka naman inutil, kulang ka lang sa tiyaga, at sa salitang PANINIWALA.

Lagi mong tatandaan na ginagawa mo ito hindi dahil lang sa gusto mo talagang makuha ang guso mong makamit sa buhay. Hindi lahat ng tao bilib sayo, at iniisip nilang hindi mo kaya, iyan ang lagi mong tatandaan.Tandaan, hindi lahat ng tao kaibigan mo. May mga tao ding ayaw sayo.

Kung puno kana ng mga realization sa buhay, wala akong pakialam, kasi lahat tayo ganyan ang nararamdaman. Wala ni sinuman ang walang natutunan sa buhay, kaya lang hindi ata patas na kapag natutu ka na, hindi mo na kailangan ng iba. Remember, hindi lahat ng bagay alam ng tao. At tao ka rin, kaya hindi mo alam lahat. Kung ano mang bagay ang hindi natin maabot-abot, eh di, matuto kang abotin.

Sa buhay, indi A RAY FORMING AN ANGLE FROM A 1 SQUARE UNIT o KAYA NAMAN SHAKESPEAREAN SONNET, ang pinaka-importanteng lesson sa buhay. Ito ang paninindigan sa sarili.

Alamin mo ang gusto mo sa buhay, dahil for sure iba na ang hilig mo kaysa sa noong bata ka pa. Ang buhay ay hindi lang panggagamot ng maysakit, pagtuturo ng A-E-I-O-U o kaya'y pagbaril sa mga kalaban, dahil ang buhay ay higit pa doon. Sa pag-abot mo ng mga mithiin sa buhay, may matututunan ka rin na magagamit mo sa sarili mo. Isa pa, wala nang mas sasarap pa sa pakiramdam na pagpapamukha na NAGKAMALI pala sila nang akala. KAYA MO PALA.

Ohayou


HOY GISING!

GISING NA!

Paggising sa umaga, ang haharapin mo ay ang mga matang instik, kasama pa ng mga mutang nagpapalagkit nito. Andyan din yong fresh breath sa morning na kapag nasinghot mo ay siguradong BOMBASTIC. Oo, tama masyadong bombastic. AT sino bang tanga ang aamoy ng kanyang sariling hininga pagkatapos ng mahimbing tulog.

Sana, hindi kayo matulad sa akin. Kapag kasi gumigising ako sa umaga ay chi-ne-check ko muna kung basa pa ang aking una. Tumpak! tulo laway akong matulog, kaya sana ay hindi kayo ganyan. Ang sa akin lang, hassle ang ganitong hobby kasi parang every week, pinapalitan siyang punda. Kasabay pa dito ang walang hanggang putak ng aking magulang dahil dito.

Natatawa ako minsan sa mga aborido ng mga magulang ko, "HOY! GISING NA! TANGHALI NA! KAILAN KA PA KAYA GIGISING DIYAN!?" ang nasa isip ko, ano? tanghali na? Kung tatanungin mo si Webster, huwag ka nang magsayang ng oras. Hindi siya nakakaintindi ng tagalog. Pero kung matiyaga ka, siga, hanapin mo ang word na tanghali sa webster. baka meron nga.

Hindi ba alam ng mga magulang ko ang DEFINITION OF TERMS? ang tanghali ay ang oras na kung saan ang mga araw ay natatapat sa zenith. Huwag kang mag-alala, hindi ko rin alam kung saan ang zenith na iyan, basta eksaktong nasa itaas ng mga ulo natin. So, kapasg sinasabi ng magulang ko na TANGHALI NA! GISING NA! Minsan ay nagiging bobo ako kasi napapatalon ako sa kama baka ma-late ako sa eskwelahan. Tanga!

Siguro ay masyadong advance ang aking mama, at ako ay masyadong huli sa kanyang orasan. Sige, nasa future na siya, at ako ay nakakapit sa present. Siguro, magugulat na lang ako bigla kapag nakauwi ng 4:00 pm sasabihin ng mama ko, "HOY! ASAN KANA? HATINGGABI NA!"

Alam mo kung ano ang pinakagusto ko kapag gumigising ako? Hindi mga malalagkit na muta o kaya naman ay panis na laway, at lalong-lalo na nang fresh breath. Kundi, ang katotohanang bago na ang date sa kalendaryo. Bago na din ang almusal ko. Bago na din ang episode sa anime. Bago lahat. kaya may second chance ka pa. Second chance na maitama mo ang mga mali mo sa quiz kahapon, makabawi sa iyong mga kaibigan, at second chance sa lahat ng bagay; sa mga mali mong nagawa sa buhay.

Dahil ang buhay ay hindi naman pause, rewind, o fastforward. Bawal ang stop, kasi dapat parating play.