Pages

Saturday, February 12, 2011

LAPIS at BALLPEN


Marami akong lapis noong una. Kompleto ako sa set ng Mongol 1,2,3,4. Hindi lang mongol ako. Meron din iyong malaking lapis na kulay black. Pero, ayoko sa ganoong lapis dahil pangit ang eraser niya. Pag-pinagbura mo, madumi. Pangit na tuloy tingnan. May lapis din ako noong una na may Panda na naka-drawing. Pero ganoon rin ang eraser, madumi. Buti na lang, at may mongol ako dahil hindi marumi ang eraser. Pero hindi pa diyan iyan nagtatapos, meron din akong mga lapis na may mga drawing ng anime, gaya ng San Goku, at ghost Fighter. At sa totoo lang, natutuwa ako sa mga lapis ko. Pero hindi ko naman nauubos lahat.

Nagtataka siguro kayo kung bakit marami akong lapis? Bakit? Wala lang, trip ko. Walang basagan ng trip! Pero sa totoo lang, nawawalan talaga kasi ako ng lapis. Kaya naman, marami ang binibili ng mama ko na lapis. Oo, kahit may pencil case ako na lata, yong tipong may kompartment na kapag binuksan mo, pop-up agad iyong unang compartment. iyong tipong at the end of the school year, marami nang kalawang, ay nawawalan pa rin ako ng mga lapis, kahit anong tago ko nito. Iyong pencil case ko naman, puno ng mga tinasahan  ng lapis. Malayo kasi ako noon sa garbage can.

Marami akong natutunan sa lapis ko. Iyong tipong mga nalaman ko. Kapag hinawakan mo ang lapis sa bandang eraser at hinay-hinay mong itataas-ibaba, ay iiisipin mo na parang malambot pala ang lapis. “Oy, ang lambot ng lapis.” Isa pa, kapag nawawalan na ako ng eraser, automatic na ang next step. Kakagatin ko ang dulo ng eraser para lumabas pa iyong eraser sa loob ng tingga. At kahit ngayon, siguro ay ginagawa pa rin ng mga bata.

Gustong-gusto ko talaga na matalim ang aking lapis. Kahit na hindi pa gaanong pudpod ang dulo ng lapis, tinatasa ko na agad. Gustong-gusto ko na nakikita na sharpened ito. Isa pa, inuukit ko ang initials ko sa lapis, para hindi mawala gamit ang blade. Pero, hindi naman lahat ng nawawala ay ninanakaw ng iba, kusa lang talagang nawawala. Kaya, for sure, hindi lahat ng lapis ko ay napunta sa ibang tao kundi siguro napunta sa kanal, sa basurahan, sa sulok-sulok.

hinding-hindi ko makakalimutan ang mga pinagsamahan namin ng lapis na iyan. Isa na doon noong isang nangyari sa akin. Natanggal kasi ang eraser ng aking lapis kahit na hindi pa ito upos. Kaya, sa aking curiosity, sinuksok ko ang eraser sa aking ilong. Tama, sa butas ng aking ilong, ewan ko kung bakit. Hindi pa ako nakuntento, at idiniin ko pa talaga, hanggang sa na-realize ko na hindi ko na makuha ang eraser. Natakot ako, baka operahan ako, kaya tumakbo ako sa aming gate, pero, paghinga ko ng malalim, ayon natanggal. Na-realize ko, ang tanga ko pala talaga.

At nagbago ang lahat noong nagsimula nang magsimula ang pasukan ng Grade4. Ang lapis, ay hindi ko na ginagamit. Bagkus, ballpen na. At sa totoo lang, excited na akong gumamit ng ballpen. Kahit hindi quiz, nagsusulat ako ng pangalan ko sa pad paper para makita kong sumusulat ako ng pangalan ko gamit ang ballpen. Ewan ko kung bakit, siguro ay naninibago pa lang ako. Sulat lang ako nang sulat kahit alam ko sa sarili ko na hindi masyado gaanong maganda ang aking penmanship. Sige, sulat lang ako.

Kung matyaga akong sumulat ng kung ano-ano kahit walang quiz gamit ang ballpen, aba'y hindi na kataka-taka kung sa mismong quiz at seatwork ay gustong-gusto kong magsulat.

Gawain Pangkultura:

Paano nakakatulong ang iba't-ibang pangkat sa sining ng musika at sayaw sa pagpapalaganaap ng kultura? Magbigay ng halimbawa.

Student: maam? Copy and answer?
Maam Reyes: Oo, natural.

Kaya, bilang isang masunuring estudyante ay copy and answer din ako. Pero, sa kasamaang palad, dahil sa masamang palad, nasusulat ko ang question. Iyong question lang, walang answer. Pero, dahil sa matalino nga akong estudyante ay nagagamit ko ang aking mga kakayahan . Kung ang isang tao ay may 180 degrees sight, aba'y sa kahuli-hulihang decimal place ng 180 ay nagagamit ko, makakasulyap lang sa aking classmate, pababa sa kanyang papel.

Langhiya, ang hirap pala kapag ballpen. Tanga kasi itong seatmate ko, hindi maganda and handwriting. Ang sabi doon, “ang pilipinas ay maraming pulo.” at ang answer ko, “Ang pilipinas ay maraming puto.”  ang tanga niya!

“ma'am, pano kapag nagkamali nang sulat?”
“ah, ilagay mo sa close and open parenthesis, tapos, lagyan mo ng isang line”

ginawa ko naman, at hindi lang yata ako ang nagkamali, pati iyong seatmate na kinopyahan ko. Hayon, nilagay niya sa close and open parenthesis, at nilagyan niya ng isang line. UNDERLINE! Ang tanga niya talaga!

Ang ballpen at ang lapis.

Nagpapasalamat ako sa lapis, dahil siya ang aking unang nakasama sa pag-aaral ng mga leksiyon sa buhay. Siya ang una kong naging kasama noong nag-aaral akong mag-drawing. Mag-bilang, mag-add at mag-minus ng mga numero. Siya din ang aking nakasama sa unang pag-sulat ko ng aking pangalan. Ang unang hakbang ko sa pagiging literadong tao.

Nagpapasalamat ako sa ballpen, dahil siya ang naging batayan ko na lumalaki na pala ako. Hindi ko na dapat ngatngatin ang lapis, at hindi ko na din dapat iukit ang pangalan ko sa lapis,para hindi ito  mawala. Siya ang nagturo sa akin ng emphasis, at mas klarong sulat sa aking papel. Sa kanya, ay nagpapasalamat ako.

Narealize ko, hindi pala lahat ng bagay naaayon na lang ng kusa. Pero, sa totoo lang mas maganda siguro kong lapis na lang ang gamit. Noong lapis pa ang gamit, pwede mo pang burahin ang mga mali. At sa pagdaan ng eraser, hayon, parang bago ulit. Pwede ka agad magsimula. Kahit pa siguro magsimula ka sa una, okay lang kasi nabubura din naman na parang walang mali, na parang walang nangyari.

Pero pag ballpen na, kapag nagkamali ka, pwede pa rin ang erasures kasi alam ko na kahit gaano ka pa katalino, magkakamali ka parin. Iyon nga lang, kapag may MALI ka, kahit ano pang gawing kud-kud mo ay hindi pa rin maaalis ang katotohanang nagkakamali ka. At makikita mo iyon. Iyong binura mo.

Nagpapasalamat pa din ako sa kanila, sa lapis at sa ballpen. Dahil sa kanila, may kakayahan akong sumulat, at gumawa. DAHIL sa tingin ko, tayo mismo ang writer ng sarili nating buhay. Hindi sa lahat ng panahon ay makakapili tayo kung lapis at ballpen ang magagamit natin. Pero for sure, kahit anong gamitin natin, writer pa rin tayo. Tayo ang masusunod sa kung anong gusto nating isulat sa ating buhay.

No comments:

Post a Comment